kwento

Robinson’s Galleria Mall-wide Sale Part 1: ang araw, leather seats, at ang spaghetti

Sinundo kita biglaan kanina, mas maaga ng isang araw sa napag-usapan nating petsa na magkikita tayo. Pareho nating hindi inaasahan ang sitwasyon na ‘yun kanina, pero minadali pa rin nating tapusing ang lahat ng kailangan tapusin para malibre na ang hapon nating magkasama.

Hindi pa ako kumakain nun nung sinundo kita. Mabuti na lang at naisipan mong dalhan ako ng tanghalian pagsakay mo sa sasakyang dala ko.

Spaghetti. Isang tupperware. Puno.

Shet, sabi ko sa sarili ko. Paano ko naman kakainin ito? Tapos, naalala ko, trapik sa may Libis.

Kung mayroong isang mabuting bagay na naidudulot ang trapik sa akin, nagbibigay ito ng panahon at pagkakataon na kumain ng mga pagkaing kailangan ng kubyertos. Nagulat ka pa nung biglaang naubos yung pagkain na dala mo. Kakapasok lang natin sa underpass sa may katipunan nun, paglabas natin ulit sa liwanag blangkong tupperware na ang iniaabot ko sa iyo.

“Natapon” ang biro ko.

Drive thru tayo kung may Mcdo, bili tayo ng maiinom mo.

‘Wag na, dun na lang pagbaba natin sa gale.

Sigurado ka?

Oo. gusto ko lang makaalis agad dito sa tirik ng araw.

Grabe yung init ng araw kanina sa kalsada. Hindi makapalag ang aircon ng sasakyan ko, at tumatagaktak na ang pawis sa buo kong katawan. Pero ni isang reklamo ay walang lumabas mula sa bibig mo. Bawat tingin ko sa iyo, isang ngiti ang binabato mo sa akin, kahit na todo ang salitang pagpaypay mo sa sarili mo at sa akin.

Ako na yata ang pinak-maswerteng lalaki sa balat ng leather seats ng sasakyan ko.

 

•••••••••••••••••

 

Robinson’s Galleria Mall-wide Sale Part 1: Si matilda, si shrek, at ang ice cream

Makalipas ang dalawang palapag, nakahanap din tayo ng pwesto para makapag-parada. Tara na, sabi ko sa iyo pagka-patay ng makina. Sobrang init dito sa loob ng sasakyan.

Bumungad sa pagpasok natin ang isang maliit na bentahan ng ice cream. Hindi mo na yun napansin kasi mejo nagmamadali na tayong pumasok sa Robinson’s para makapag-libot. Naisip ko na lang na bibilhan kita niyan mamya, bago tayo umalis.

Unang dinaanan natin ay ang CMG. Nakakatawa lang isipin na dito tayo nagsimula, pero ito rin yung huling shop na dinaanan natin bago umuwi. Sapatos yung tinignan mo dun nung una. Bag na yung umakit sa iyo sa huli. Pero ang kinalabasan, wala ka pa ring nabili mula sa shop na yun.

Ang dami mong binili dun sa Matilda. Muntik mo na yata pakyawin lahat ng may nakalagay na “Sale” na damit. Inaabangan pa nga kita sa labas ng dressing room para makita yung mga sinusubukan mong damit. ‘Yung iba mejo weird, para kang isda na may malalaking palikpik. ‘Yung karamihan naman sobrang nagugustuhan ko kasi mas lumalabas ang ganda ng iyong pagiging simpleng tao.

 Hindi ka magarbong tao. Isa siguro ‘yun sa mga nagustuhan ko sa iyo. Wala kang sinasayang na panahon sa mga bagay na hindi mo naman kailangan. Hindi ka mahilig sa mga alahas at kung anu-ano pang kinagigiliwan ng ibang tao. Naaalala ko pa nung una kitang nakilala at nakausap, nang kinwento mo sa akin na hindi ka magsasayang ng pera at oras sa mga ganung bagay.

 Limang taon na rin ang naka-lipas mula nung unang beses din natin nagpunta sa mall. Nasa kolehiyo pa lang tayo nun at wala pang pera para sa mga alahas at pangbili ng sariling damit. Nanood tayo ng sine. Shrek 2.

 Ang layo na rin pala nag nilakbay natin mula nung magka-kilala tayo. Mula sa unang isaw na pinagsaluhan natin, hanggang sa double dutch ice cream na binili ko para sa iyo bago bumalik sa sasakyan.

 Saan na tayo pupunta ngayon?

 Gusto mo mag-dinner sa Metrowalk? Yoo Hoo?

 Sige ba.

 

•••••••••••••••••

 

Metrowalk part 1: Ang Yoo-hoo, bibingka, at ang hangin sa mukha ko habang tumatakbo

Nawala sa plano natin kanina bago tayo umalis ng bahay ang pagdaan sa Metrowalk. Balak ko sanang bumili ng DVD para sa computer ko, kaso dahil nga sa late na tayo naka-alis ng gale e tinanggal na natin sya sa opsyon. ‘Yun nga lang, ang dami pa pala nating oras pagkatapos natin kumain sa Yoo-hoo, kaya naisipan nating magdaan na rin sa second floor.

 

Pero bago tayo nakapunta dun e naisipan mong dalhan ng pasalubong ang mama mo. ‘Yung bibingka at puto bumbong ang lagi natin binibiling pang pasalubong sa kanila. Hindi ko alam kung bakit buong taon ay may nagtitinda ng puto bumbong at bibingka dun, siguro araw araw e pasko sa lugar na yun. Mabenta naman. At si manong pa rin ang nagbebenta.

 

Pinag-uusapan natin yung kotse natin na hindi pa natin nabibili habang naglalakad mula Yoo-hoo papuntang tindahan ng bibingka. Hindi pa nahuhulma sa isip ko kung ano talaga ang magiging sasakyan natin. Basta ang alam ko, nakumbinsi mo na ako na second hand na lang ang kunin dahil mas mura yun. Mabilis din naman bumaba ang presyo ng mga bagong kotse, kaya hindi yun sulit.

 

Nasa parking lot lang yung tindahan. Kasama niya yung mga tindahan ng prutas at gulay (may gulay nga ba talaga?), sa kaliwang parte ng kalsada pagka-pasok mo mula sa entrance. Isang tawid at ilang hakbang lang mula sa Yoo-hoo.

 

Tumayo si manong nang makita tayong papalapit. Magkaano yung bibingka?

 

Hindi siya sumagot. Meron nga naman palang naka=paskil sa harap natin na telang may nakasulat na presyo. Forty-five pesos. Tapos, tumahimik ka bigla. Gulat ang ekspresyon ng mukha mo.

 

Nagulat ako sa pagka-gulat mo. Ang bag ko! Naiwan ko sa Yoo-hoo!

 

Alam ko na ang dapat kong gawin nang narinig ko yun.

 

Takbo, Osep. Takbo.

 

 

•••••••••••••••••

 

Metrowalk part 2: Si manong na nagtitinda ng bibingka, ang pelikula ng guard, at ang babae sa counter

 

 

Palapit pa lang ako pinansin na ako ng guard na nagbabantay sa Yoo-hoo. Kung sabagay, kapansin-pansin naman talaga ang isang lalaking tumatakbo sa loob ng isang kainan. Nagkatinginan lang kami saglit at nagkaintindihan na agad. Hindi siya yung pagkakaintindihan na parang dalawang taong nagmamahalan at tumatakbo patungo sa isa’t isa na para bang may kumakanta ng “I’m all out of love” na parang pelikula, at akala mo e magyayakapan habang buhat ang babae at umiikot-ikot pa. Hindi ganun. Tinaas niya ang kanyang kanang kamay at sumenyas na parang nagtuturo kung saan ako dapat dumiretso. Sa counter.

 

Biglang liko. Iwas sa lamesa. Iwas sa mga kumakain. Tapos tigil. Hingal. Hinga saglit ng malalim.

 

Ate, may nakita kayong bag?

 

Sa iyo ba yun?

 

Opo. Naiwan namin kani-kanila lang.

 

Nilabas niya ang pang babaeng bag na tinago nila sa ilalim ng lamesa. Lord, sabi ko, mahal kita.

 

Sa puntong ito ay nakita kitang papalapit sa amin ng babae sa counter. Medyo hinihingal ka rin nun at malamang ay natawa din ako kung pinansin ko pa ang hitsura mo nang tumabi ka sa akin — pero masyado pa akong nalulunod sa pagpapasalamat sa Diyos at naibalik sa atin ang bag mo.

 

Tignan mo kung kumpleto.

Inabot ko sa iyo yung bag at sinilip mo agad ang laman. Kumpleto.

 

Pagkatapos magpasalamat sa mga tao sa Yoo-hoo ay binalikan natin ang tindahan ng bibingka. Si manong, na matagal nang nagtitinda dun, ay parang walang kamalay-malay sa lahat ng nangyari, kahit na sa harap niya natin naalala na naiwan mo pala yung bag mo, at pareho tayong nataranta. Normal na siguro sa kanya ang mga ganung bagay, o di kaya ay tinatawanan na lang tayo sa loob loob nya.

 

Ewan ko ba. Basta ang alam ko masarap ang puto bumbong na magkahawak kamay nating binili.

 

Yihee! Kinilig ka ‘no?

 

 

••••••••••••••••••

 

 

ANG TRAHEDYA NG HUMPS SA DULO NG KALSADA

 

Biglang lingon si Mama sa akin pagka-baba ng sasakyan. Nasa may manibela pa ako nun at magmamani-obra pa lang nang marinig ko siyang tinatawag ako. “Yung pinamili pala”, sabi niya. Inabot ko sa kanya ang isang supot ng Puregold na puno ng mga grocery. Naisipan kong pwedeng ako na lang ang mag-akyat nun at baka mahirapan pa siyang magbitbit, nasa third floor pa naman yung unit namin. Magaan lang naman pala siya kahit puno. Mukhang kaya naman niya.

Hindi ko na inakyat yung plastic, inabot ko na lang sa kanya sapagkat nagmamadali na ako. Susunduin pa kita sa may Quezon Avenue, sa may McDonalds dun, at alam kong mejo late na rin ako. Ayoko pa naman din na nahuhuli sa mga napag-usapang oras.

Urong, kambyo, abante, urong, kambyo ulit. Biglang may mabilis na motor na nagdaan sa harap ko sa pag-abante ko ulit. Muntik ko na tamaan. Ni hindi man lang sya bumusina, o di kaya’y naghintay man lang na maka-andar ako ng maayos bago siya nagdaan. Hindi, kailangan talaga niya sumigit sa sasakyan ko habang nagmamani-obra ako.

Hinabol ko siya bago siya makarating sa dulo ng kalsada. Nakahabol din naman siguro ang dalawa sa sangdamakmak na mura ko bago siya tuluyang makalayo. Tangina niya. Ang pangit talaga ng ugali ng ibang mga motorista sa Pilipinas.

Shet, late na ako.

Nilakasan ko ang radyo at nilagay sa preset number 5. Sakto, Renee Olstead. Hindi ko na maalala kung anong station ng radyo yun, basta alam ko nagustuhan ko sya kasi puro jazz music pinapatugtog dun. Pangpa-kalma lang.

Pero tangina, late na talaga.

Paakyat yung kalsada sa may amin, at pagdating mo sa dulo isa lang ang pwede mo likuan palabas, Ginawang basketball court ng mga guard yung kanan, kaya yung kaliwa na lang ang pwedeng daanan. Katabi naman ng basketball court ay power plant. Hindi ko rin alam kung bakit sila magtatayo ng power plant sa lugar na sobrang lapit sa mga bahay ng mga tao. Madali na hulaan ang ikamamatay ng mga nakatira dun pag tagal — cancer. Dapat na talaga kaming lumipat.

Dalawang humps ang madadaanan bago makarating sa dulo ng kalsada. Binilang ko. Isa pa lang nadaanan ko. Mukha naman aabot ako sa McDonald’s, at hindi mo na kailangan maghintay pa ng matagal dun.

Pagdating sa pangalawang hump(s), kitang-kita mo na ang labasan. Isang liko at nasa highway ka na ulit.

Preno, alalay, tapak sa clutch, pasok sa segunda.

Krrgrrgrgggg!

Namatay ang makina pagkalampas ko ng pangalawang hump(s). Naubusan ako ng gas!

 

may kasunod pa…

 

••••••••••••••••

 

Ang hiniram na lugar at ang madilim na kalsada habang naglalakad na kasama si Brandon Flowers.

Come with meeeee.

Kakasuot ko lang ng headset ng cellphone ko at ito na ang bumungad sa akin na kanta. Mabuti na lang pala at nalagyan ko na ng bagong mp3 files yung memory nito. Makaktulong din yung dalawang album ng The Killers sa akin habang naglalakad.

Don’t you wanna come with me? Don’t you wanna feel my bones?

Malayo layo rin ang tatahakin ko ngayong gabi. Dinala ko na rin yung laptop bag ko sa byahe kasi ayaw ko siyang iwan sa loob ng sasakyan, lalo na ngayon na hindi ako masyadong kumportable kung saan ko siya iniwan. Pilit kong pinarada yung asul na van malapit sa kanto ng kalsada na malapit sa bahay namin. Kaso inagawan ko lang ng paradahan ang isa pang nakatira dun malamang.

Hindi ko rin maintindihan yung ugali na ganun ng mga tao minsan. Marami nga dito sa Pilipinas ang mga lugar kung saan ang mga bahay ay magkakadikit-dikit hanggang sa punto na hindi mo na maipapasok sa kalsada ang sasakyan mo. Mga lugar na may “loob”, kumbaga.

Tapos meron namang binigay na “open parking” space sa lugar na yun. So ibig sabihin, parang maliit na parking lot na kahit sino pwede pumarada, at sa kahit anong slot dun. Ang labo lang talaga minsan na ang ibang tao e nang-aangkin na ng isang spot sa mga ganung klaseng lugar. ‘Yung tipong haharangan nila ng gulong o malaking bato yung pwesto ng sasakyan nila pagka-alis nila dun. “Reserved” daw. Pero mas malala pa rin yung iba na nilalagyan na ng tent at tinuturing na talagang private property ang pag-aari dapat ng lahat.

Malas ko lang at sa ganung lugar kami nakatira. Kaya kailangan ko makabalik sa sasakyan sa lalong madaling panahon para hindi magalit yung mamang hiniraman ko ng pwesto. Pwe.

Unang liko ng nilalakad ko, nakasalubong ko yung nag-iisang shuttle na nagdadaan sa may lugar namin. Naaawa ako minsan sa operator ng shuttle na yun. Kahit minsan at hindi ko nakitang puno yung jeep nya. At sa lagay na yan e di hamak na mas mababa ang singil nya sa mga pasahero kung ikukumpara sa pinaka-mababang pwedeng singilin ng regular na pampasaherong jeep. Wala talaga siyang kita. Idagdag mo pa jan yung katulad ko na mas gugustuhin na maglakad na lang kesa gumastos pa para lang makasakay. Hindi naman ganun kalayo yung distansya kung tutuusin.

‘Yun ay kung hindi mo pa isasama ang dagdag na nilakbay ko papuntang gas station. Kung gaano kalayo ang nilakad ko mula sa hiniram na pwesto ng van papuntang main road, triple pa nun ang kelangan tahakin papuntang katipunan.

Madilim at umaabon-ambon pa. Walang ilaw ang kalsada, at ang tanging ilaw na nagagamit ko ay yung galing sa mga nagdadaang sasakyan. Walang ibang tao. Wala akong kasabay na maglakad, ni wala akong nakakasalubong sa parteng yun ng CP Garcia. Parang ginawa ang sidewalk na yun para sa akin at sa parteng yun ng buhay ko.

Without an answer, the thunder speaks for the sky. And on the cold wet dirt I cry.

Salamat, Brandon Flowers.

One thought on “kwento

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s