Achievement of the year

Makalipas ang dalawampu’t walong taon sa buhay ko, naasikaso ko na rin ang aking passport.

Sobrang malaking bagay para sa isang katulad ko ( o baka naman para sa akin lang, at nag aassume ako na normal ang ganitong sitwasyon para din sa ibang tao ) ang makapag asikaso ng mga importanteng papeles katulad ng passport.

Hindi naman ako tamad ( o baka naman ako lang ang naniniwala dun ) pero ayoko lang talagang nag aasikaso ng mga ganitong klaseng mga bagay. Hanggang sa maaari, hindi ako gumagawa ng mga bagay na hindi naman kailangan. Wala sa isip ko dati na aalis ako ng Pilipinas kaya hanggang ngayon ay hindi ko inaasikaso ang kahit anong government related paperworks. Maliban sa lisensya.

Pero kailangan na e. Dumating na ako sa puntong naniniwala na akong mas madaling humakot ng pera sa ibang bansa. Maaaring ganun nga, o siguro naman dahil nararamdaman kon tumatanda na ako at kailangan ko na mag seryoso sa buhay.

O baka nagsasawa na ako sa view ng office namin dito sa eastwood.

20111213-170305.jpg

Malaking Malaking Malaking Pearl!

the pearl of lao-tzu: 24 cm in diameter, 6.4 kilograms weight. This is the biggest pearl in the world.

the pearl of lao-tzu: 24 cm in diameter, 6.4 kilograms weight. This is the biggest pearl in the world.

Tinuturo sa amin dati sa school na ang Pilipinas ay tinatawag na “perlas ng silangan”. Akala ko ang dahilan nito ay ang malawakang paghahanap at pagpapalitan ng mga alahas at kung anu-ano pang kagamitan sa bansa natin dati, bago pa man dumating yang mga kastila na yan at ginulo ang kultura ng Pilipinas. (Para sa mga hindi nakaka-alam, nauna ang China, Japan, at marami pang mga katabi nating bansa na makipag-trade sa atin, at HINDI KAY MAGELLAN AT LAPU-LAPU nagsimula ang kasaysayan ng Pilipinas).

Tama naman ang dahilan na ito. Sa katunayan, may isang estatwa ng isang Pilipinong Datu ang tinayo sa China dahil sa pagbigay nito sa kanila ng pinaka-malaking perlas na nakita nila. Nakalimutan ko lang ang detalye ng kwentong ito, pero yan ang sinabi sa amin ng professor ko sa Philippine pre-hispanic art. Kung may pagdududa ka, sya na lang ang tanungin mo at hindi ako ang eksperto jan.

pero…!

Ngayon ko lang nalaman na nanggaling pala sa Palawan ang PINAKA-MALAKI at PINAKA-MABIGAT na perlas sa buong mundo. Na-diskubre ito sa Palawan, pero hindi ko alam kung bakit yung mamang nagdala nito sa America e sinasabi na sa China daw ito galing. Kung anu-anong kwento pa yung ginawa nya na marami daw namatay sa para protektahan ang perlas na ito sa China, hanggang sa nagdesisyon sila na ipadala ito sa Pilipinas para itago.

Absurrrd. Wilburn Cobb. Pakshet.

Nadiskubre ito sa Palawan nung 1934.

White iPhone 4: Huli sa balita

White iPhone 4

maputim

Halos isang taon din itong hinintay ng mga techie na OC. Yan, pwede nyo na pagtabi-tabihin ang inyong Macbook white, Sony Wii, ang puti mong t-shirt, at ang white iPhone 4 mo. Isama mo na rin yung brip mo na bacon na kulay mamuti-muti pa.

Samantala, masaya na ako sa itim na iPhone ko, terno sya sa matim kong budhi.

’tis the season to be… teka, mali yata.

Ang 10 commandments. In Technicolor (and cheap prices!)

Ito ang in ngayong holy week. Sayang nga lang at hindi na talaga ako nakakanood ng TV simula nung nagtrabaho ako. Sa pagkaka-alala ko, ito lagi ang pinapalabas ng mga local TV networks pag mahal na araw. Walang sablay yan. Pati yung marathon ng 7th heaven.

Sino nakakaalam kung kailan at saang channel ipapalabas ito?

Today is Moundy Thursday, tomorrow is Holy Friday, Friday, Friday!

Sorry, hindi ko napigilan sarili ko sa title.

So, ngayong thursday ang simula ng tinatawag natin na Holy Week, isa sa pinaka-aabangang holiday ng mga tao dahil sa haba ng bakasyon na dala-dala nito sa mga empleyado. Kung tutuusin, para sa karamihan sa atin na hindi trip ang mga company summer outing (dahil sa araw araw mo na nga kasama yung mga tao sa opisina, sila pa rin ba ang pipiliin mong makita pag nagrerelaks ka sa beach?), ang semana santa na ang maituturing na summer vacation. Sa panahong ito, nagkalat ang mga tao sa Tagaytay, sa Baguio, Boracay, Ilocos, Pagudpud, Cebu, Davao, at kung saan- saan pa na may beach, o di kaya’y mga lugar na matataas ang lupa at malamig. Ako? sa pagkakataong ito, taong bahay lang ako. Nagsi-uwian ang mga magulang ko sa probinsya kaya solo ko ang bahay hanggang sa linggo. (akala nyo ba masaya? hindi ko alam kung saan ako kukuha ng kakainin ko no.)

Ngayon lang ulit ako nanatili sa Metro Manila para sa semana santa. Nitong mga nakaraang taon kasi lagi kaming umuuwi ng probinsya para bisitahin ang mga kamag-anak namin dun. Kaya, ngayon ko lang ulit nakita ang sandamakmak na tao (for some strange reason, lahat sila e puro mga bagets) na naglalakad ng pagkalayu-layo para lang bisitahin yung isang grotto na malapit sa tinitirhan namin.

Sobrang dami nila. Sa sobrang dami, kinain na ng mga tao ang kalahati ng kalsada. Akala ko, hindi na uso ngayon sa Manila yung ganung klaseng trip. Nakakatuwa din makita na active pa rin pala ang kabataan ngayon (shet, parang ang tanda na ng dating ng pananalita ko dito a) sa pag-gunita ng mga relihiyosong kaganapan.

Wag lang sana nila gawing excursion ito, at mag “simbang tabi” na lang pagdating sa simbahan.

visita iglesia

Visita Iglesia Marathon, 15k category

420 na! Sindihan na yan!

marijuana

tattoo design I made for a friend

Mejo nalabuan lang din naman ako nang hinanap ko yung pinanggalingan ng term na “420”. Para sa mga hindi nakaka-alam, ang 420 ay isang counterculture (or subculture para sa ibang tao) na ipinagdiriwang ng mga tao na mahilig sa Cannabis. Pinag-connect-connect na lang ng mga tao yung pangalan na “420”. Basta, naguluhan ako nung binasa ko yung kwento ng kulturang ito.

May isang grupo ng kabataan sa California na nagkasundo na magkita kita sa estatwa ni Louis Pasteur sa San Rafael high school sa eksaktong 4:30 p.m. Ang dahilan: may hahanapin daw sila na puno ng cannabis na nababalitaan na tumubo daw sa lugat na iyon.

Ang cool nila no? Organized pa.

At sa sobrang cool ng grupo nila, ginawan pa nila ng pangalan ang mga sarili nila: ang “Waldos”. At ano naman ang ibig sabihin ng “Waldos”? Sila daw kasi yung tumatambay sa isang “wall” sa labas ng kanilang “school”. Hindi ko alam na sobrang mahilig pala sa mga codename ang mga tao nung 1970’s.

Anyway.

Hindi nila nakita yung puno ng cannabis na sanhi ng pagkikita-kita nila nung araw na yun. Isang malaking fail ang unang plano nila. Fail din yung pangalawa, pangatlo, pang-apat, at lahat ng mga sumunod na lakad nila. Wala silang nahanap na puno. Pero…! (heto na)

Naging code nila ang “4:20 Louis”. Pag sinabihan ka nun, ibig sabihin magkikita-kita kayo sa estatwa ni Loius Pasteur sa bandang 4:20 ng hapon. Ibig sabihin, maghahanap ka ng puno na sa panaginip lang pala makikita.

Ang nangyari, ang code na “4:20 Louis” ay napaikli nila to “420” na lang. Pero iba na ang naging kahulugan ng numero na ito. Hindi na ito tungkol dun sa nawawalang puno ng cannabis. Magdala ka na lang ng sarili mong stash, at pot session na ito.

Hindi ko naman alam kung paano kumalat ang code na ito, pero nakabuo ito ng isang malaking kultura ng mga tumatangkilik sa halaman na yun. Hindi ko rin naman alam kung paano rin kumalat bigla ang term na “420” sa Pilipinas, e ngayong taon ko lang ito narinig, at sa facebook ko pa ito nabalitaan. Marami bigla sa mga friends ko ang nag-“like” sa page ng 420, kahit na alam nating lahat na kahit kailan e hindi naman tinawag na 420 ang mga pot session sa Pilipinas.

Sa ibang bansa lang yun, huy. Pero sige, kung gusto nyo maki-uso, go lang ng go. Maging “Waldos” ka na rin.

April is the month of planet earth

Tinalo pa ng Pilipinas ang paggunita na ginagawa ng ibang bansa para sa mundo natin. Kung sa ibang bansa, ang Earth Day ay tuwing April 22 lamang, sa atin, ang buong buwan ay, ayon sa proclamation no. 1482, “month of planet earth”. O di ba? sosyal. talbog ang earth day.

Kaso…

Naideklara nga na ang buwan ay isang malaking pag-gunita sa mundo, pero wala naman akong nababalitaan na malaking kaganapan mula sa gobyerno natin na may kaugnayan sa pagliligtas ng kalikasan (aba, ang noble naman ng dating ng post na ito). Sige, sabihin natin na nakakatulong ang Clean Air Act (na sa pagkakaintindi ko e para lang sa mga sasakyan, at hindi sakop ang iba pang industriya at pabrika (paki-korek na lang ako kung mali ang pagkakaintindi ko)), pero hindi lang naman hangin ang kailangan i-preserba. Dapat mag-isip pa ng ibang mga paraan “for a more sustainable future”.

Pwede tayo gumawa na lang ng mga ganito:

Kenneth Cobonpue's biodegradable car

better than porsche

Wag ka nga lang magpapa-ulan.

Galing dito ang picture.

Balik sa dati

Ok, ok…

Mejo matagal tagal ko rin na hindi pinansin ang munting proyekto ko na ito. Maraming dahilan sa likod ng pagpapasya ko na huwag muna galawin ang site na ito, at malamang e wala kayong pakialam sa mga yun. Pero ishe-share ko na rin, para lang mejo humaba naman nag konti itong post na ito.

Una, naging busy ako sa buhay ko.

Pangalawa… teka, yun na yata yun. Sinubukan ko naman ayusin ang buhay ko kahit papaano, at nabura ko na ang isang malaking bagay sa aking bucket list (oo, meron ako nun. hindi naman kailangang maging matanda’t uugod-ugod na para lang gumawa ng listahan ng mga gusto mo gawin di ba?). Kung ano ang nilalaman ng listahan ko, malamang kailangan ng isa pang article na dedicated para lang dun. Marami akong pangarap, ambisyoso ako e. At magastos din pala maging ambisyoso, kaya matagal-tagal ko pang maaabot yung mga yun.

Gusto ko lang din sana sabihin sa puntong ito na binabasa nyo ngayon ang pang-100 na article sa proyekto ko na ito. Hindi naman kalakihang bagay ang ganitong eksena para sa ibang mga tao, pero para sa akin isa itong importanteng kaganapan sa buhay ko. Isa itong simbulo ng pagkakaroon ng dedikasyon sa mga gawain (yata. ang hirap i-explain e). Syempre, ang ganitong klaseng bagay ay dapat tinatapatan ng isa pang kahindik-hindik na balita: Natapos ko na ang kurso ko sa kolehiyo. Makalipas ang labing-isang taon.

Labing-isang taon!

Hindi ko kinakahiya yan. Sabi nga ng kaklase ko sa thesis, “quality education takes time” (hindi ko alam kung paano maglagay ng footnote sa wordpress, at mas lalong hindi ko alam kung sino unang gumamit ng kasabihan na yan. kung sino ka man, at nababasa mo ito, mag-comment ka naman).

Hindi ko rin napuntahan yung University Graduation Ceremony nung linggo, dahil sobrang init sa ampitheater ng UP Diliman. Gusto ko pa man din na marinig yung speech ni Noynoy  para sa amin na bagong graduate lang. Mabuti na lang at may internet at updated na ngayon ang opisyal na website ng Philippine government, at naka-post dun yung speech nya.

Ayon sa kanya, ang UP daw ay huli sa balita, kasi hindi daw nakakarating sa amin ang lahat ng mga magagandang nangyayari sa bansa. Kasalanan ba namin yun?

Hindi ko pa nahihimay-himay yung buong speech nya, at baka mamya e mali pala pagkakaintindi ko dun. kung gusto nyo basahin, basahin nyo dito:

http://www.gov.ph/2011/04/17/speech-of-president-aquino-at-the-up-diliman-commencement-exercises-april-17-2011/

Graduate na ako! Woohooo! :D

bob marley and the t-shirts

billabong reggae party

the spy band performing at the billabong reggae party

Nung Feb 11, isa ako sa mga pinalad na naimbita sa exclusive launch party ng Billabong sa may Rockwell Tent. Karamihan ng mga events kung saan naiimbitahan ako, hindi ko na pinapatulan dahil masyadong high society ang demographic ng mga party nila. Ito lang yung talagang unang pinuntahan ko, hindi dahil sa party, pero dahil sa musika na inaalok nila.

Medyo nakakapanibago lang na magpunta sa ganitong uri ng mga kaganapan, at nakakatuwa isipin na buhay na buhay pa rin pala ang ganitong musika sa kabila ng mga nagsisikatang mga banda at yung mga tinatawag nilang mga “pop icon”. Nasosobrahan na yata ang mga tao sa Glee at nakakalimutan na nila ang mga ganitong uri ng tugtugan. Ganito yung mga trip ko na gimik. Sa salita nga ng mga high society na yan: “chill” lang.

Naks, ibig sabihin ba nito high society na rin ako?

heniwei.

Sayang lang at hindi ko na naabutan yung set ng tropical depression. Sila pa man din yung inaabangan ko nun. Kinailangan ko lang din umalis ng maaga para magpunta sa Republic — dun sa may New World.

Alam ko — taliwas ito sa mga press release ko na hindi ako mahilig magpunta sa mga ganung lugar. Hindi naman gimik ang pakay ko dun e. Manunundo lang. Noon ko nga lang din naranasan na harangin ng bouncer e. Sa kabila ng tikas ng aking paglalakad, may dalawang malaking mama na humarang sa akin bago pa man ako makapasok sa lugar na iyon. May dress code daw.

Hindi naman madungis itsura ko nun a. badtrip. Hindi ko naman kailangan magsuot ng damit na nagkakahalaga ng limpak limpak na salapi para ipagmayabang ang aking “worth”. Pareho lang naman ang pera na gagamitin ko pangbili ng mga overpriced na inumin sa mga ganung klaseng mga lugar. At hindi naman ako tumatapak sa ibang tao para lang kumita ng malaki para lang makabili ng mamahaling mga damit upang makapasok sa sosyal na bar.

Mas gusto ko pa rin yung reggae party.